Skip to main content
Mga Paksa

Suporta sa Substansya

Pagsuporta sa ating komunidad

Sa TikTok, nakatuon kami sa paglinang ng isang supportive na kapaligiran kung saan madarama ng aming na komunidad na ligtas nilang maipapahayag ang kanilang sarili. Kasama rito ang lumalaking komunidad ng mga taong tinatanggap ang pagkakataong ibinibigay ng TikTok para kumonekta, sumuporta at matuto mula sa mga nakatuong organisasyon at kasamahan na naapektuhan ng paggamit ng substansya (kabilang ang droga, alak, at tabako).

Napagtanto naming may sariling mga paniniwala at karanasan ang bawat isa sa paggamit ng substansya. Anuman ang naging mga karanasan mo, gusto naming mag-alok ng impormasyon para mapanatiling ligtas ang ating komunidad at masuportahan ka sa paggawa ng mas ligtas na mga pagpapasya. Kaya naman nakipagtulungan kami sa mga taong eksperto sa mga isyung ito para tulungan kaming gawin ang resource na ito.

Ang mga resource na ito ay para sa sinumang:

  • gustong matuto pa tungkol sa kung paano makakaapekto ang paggamit ng substansya sa isip, katawan at paggawi mo;
  • posibleng nag-iisip na gumamit o kasalukuyang gumagamit ng mga substansya;
  • naghahanap ng mga resource sa kung paano babaguhin ang kaugnayan nila sa paggamit ng substansya;
  • nagmamalasakit sa isang taong naapektuhan ng paggamit ng substansya;
  • naghahanap ng supportive na komunidad kung saan pwede nilang maibahagi ang kanilang mga karanasan, o
  • gustong magkaroon ng supportive na pag-uusap tungkol sa mga pinsalang nauugnay sa paggamit ng substansya

Mahirap talakayin ang paggamit ng substansya. Umaasa kaming makakatulong sa iyo at sa mga mahal mo sa buhay ang mga resource at impormasyong nasa pahinang ito.

Mga posibleng itinatanong mo

Ang paggamit ng substansya ay tumutukoy sa paggamit ng iba’t ibang uri ng mga substansya, gaya ng droga, alak, o tabako. Maraming paraan ang mga tao sa paggamit ng mga substansya, mula sa pagsubok nito para sa katuwaan, hanggang sa mas regular na paggamit, hanggang sa malulong na rito (na kilala rin bilang disorder sa paggamit ng substansya). Magbasa pa tungkol sa iba’t ibang uri ng paggamit ng substansya sa ibaba.

Pag-eeksperimento

Kung minsan, nag-eeksperimento ang mga tao sa mga substansya kapag nasa isang partikular na sitwasyon sila, tulad ng party. Hindi naman nila gustong-gustong gumamit ng substansya, o hindi namin nila ito iniisip hanggang sa sandaling gagamit na sila nito. Malamang na gagamit sila nito dahil sa pagkamausisa, o para magsaya. Hindi umiikot ang buhay nila sa paggamit ng substansya – nangyayari ito kapag kumbinyente.

Paggamit Bilang Libangan

Pwede itong mangyari kapag regular na gumagamit ang mga tao ng mga substansya, nang walang medikal na dahilan. Posible bahagi na ng kanilang rutina ang paggamit ng substansya – tulad ng pag-inom ng alak kada weekend bago lumabas.

Maling paggamit

Nangyayari ito kapag nagiging mas mapanganib at mas madalas na ang paggamit ng substansya ng isang tao, at nagsisimula na siyang makaranas ng mga negatibong epekto sa kanyang buhay dahil sa paggamit niya ng substansya. Ang mga taong gumagamit ng mga substansya sa maling paraan ay patuloy na gagamit ng mga iyon, kahit na nagkakaproblema na sila sa kanilang buhay dahil dito. Sa panahong ito, pwedeng lapitan ng mga kaibigan o kapamilya ang isang tao tungkol sa paggamit niya ng substansya.

Pagkahumaling

Ang pagkalulong sa droga ay nangyayari kapag nasanay na ang katawan ng isang tao sa substansya. Ibig sabihin, kailangan na ng katawan ang substansya para maging “normal.” Ang paghinto sa paggamit ng substansya ay magdudulot ng mga withdrawal symptom, gaya ng pagod, pagkabahala/depresyon, pamamawis, pagsusuka, pangingisay, o hallucination. Pwedeng mangyari ang pagkahumaling sa ilang substansya kahit na iniinom ang mga ito ayon sa reseta ng doktor.

Adiksyon

Kapag nakakaranas adiksyon ang isang tao, patuloy silang gagamit ng substansya sa kabila ng pinsalang idinudulot nito sa kanilang sarili at sa iba. Posibleng sinubukan ng mga tao na huminto, pero masyadong malakas ang kanilang pagkagusto at withdrawal. Pwedeng mangyari ang adiksyon sa sinuman. Hindi ito opsyon – magagamot ang kundisyong ito, at maraming iba’t ibang opsyon para sa paggagamot batay sa mga partikular na pangangailangan ng isang tao. Ang adiksyon ay hindi nangangahulugang kulang sa disiplina ang isang tao – isang kondisyon ang adiksyon.

Walang sinumang makakatiyak kung paano makakaapekto ang mga gamot sa kanila. Pero nitong mga nakaraan, mahirap na ring malaman kung ang isang gamot ay ang mismong substansyang iniisip ng isang tao. Ang dalawang pangunahing dahilan para dito ay ang fentanylat mga peke.

  • Ang fentanyl ay isang malakas na uri ng synthetic opioid drug. May 2 uri ng Fentanyl: 1) pharmaceutical-grade (ginawa ng mga pharmaceutical na kumpanya para kontrolin ang mga dosis) at, 2) “ipinagbabawal” na fentanyl, na ginawa ng mga taong nagbebenta o nagdi-deal ng droga na hindi kasama sa anumang kontroladong pharmaceutical na paggamit. Minsan ang ipinagbabawal na fentanyl ay lihim na idinaragdag sa ibang mga gamot dahil mas mura itong gawin at mas malakas kaysa sa maraming gamot. Idinagdag ang fentanyl sa pekeng pills (na mukhang mga inireresetang opioid painkiller pero ginawa ng mga taong nagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot), o inihalo sa droga gaya ng heroin, cocaine, at methamphetamine. Pwedeng pumatay ng isang tao ang kahit 2 milligram lang ng fentanyl – na katumbas ng ilang butil lang ng asin. Dahil dito, ang fentanyl ang pangunahing dahilan ng pagkamatay dahil nasobrahan sa droga. Kahit na iniisip ng isang tao na alam niya kung ano ang ginagamit niya, kahit na ang minsan ay pwedeng nakamamatay.
  • Ang counterfeit o pekeng inireresetang pills gaya ng benzodiazepines (madalas na tinatawag na “street benzos”) ay napag-alamang mapanganib dahil sa napakalakas na epekto nito at/o naglalaman ito ng iba pang lubhang nakakapinsala at mapanganib na substansya na hindi para sa medikal na paggamit, na humahantong sa mga pagkaospital at pagkamatay.

Posibleng narinig mo na ang terminong “pagbabawas ng pinsala.” Inilalarawan ng pariralang ito ang mga paraang nagbabawas sa mga panganib na nauugnay sa paggamit ng droga. Ang pagbabawas ng pinsala ay hindi pagsasabi ng okay lang gumamit ng droga, o ligtas itong gamitin. Paraan ito para protektahan at suporta ang mga taong nagdo-droga at humimok ng mga positibong pagbabago nang hindi nanghahatol.

Ilang halimbawa ng pagbabawas ng pinsala:

  • Ang mga medication tulad ng naloxone, na mabilis na bumabaligtad sa sobrang paggamit ng opioid, at iba pang medication na pwedeng gumamot sa adiksyon sa opioid;
  • Access sa mas ligtas na mga supply at ligtas na mga paraan para itapon ang mga ito, at pagsasailalim sa test para sa mga sakit na pwedeng kumalat sa pamamagitan ng paggamit ng ilang uri ng mga gamot.

Ang pag-recover ay isang proseso kung saan pinapabuti ng mga tao ang kanilang pangkalahatang kalagayan pagkatapos makaranas ng mga problema sa paggamit ng substansya. Maraming paraan sa pag-recover at isa itong proseso na natatangi sa bawat tao. Pwede ring mangahulugan ang pag-recover ng iba’t ibang bagay sa iba’t ibang tao. Para sa ilan, ang susi ay ang pag-iwas sa lahat ng substansya. Para sa iba, mas mahalagang bahagi ng pag-recover ang pangangasiwa sa mga negatibong damdamin nang hindi gumagamit ng mga substansya.

Tandaang hindi linear na proseso ang pag-recover. Karaniwang karanasan ang pagbabalik sa paggamit ng substansya habang nagre-recover. Hindi ito nangangahulugang nabigo ang isang tao o hindi na niya kailanman makakamit ang kahulugan ng pag-recover niya. Kaya ng mga taong maka-recover.

Ang stigma ay isang hanay ng mga negatibong ugali, takot, maling kuru-kuro, at stereotype tungkol sa mga taong gumagamit ng droga o nabubuhay nang may adiksyon. Isa ang stigma sa mga pinakakaraniwang dahilan kung bakit hindi nakikibahagi ang mga tao sa paggamot para sa paggamit nila ng substansya. May bahagi ang bawat isa para mabawasan ang stigma sa paggamit ng substansya. Ang isang paraan para gawin iyon ay sa pamamagitan ng pagbabago sa paraan ng pag-uusap natin tungkol sa paggamit ng substansya.

Sa TikTok, ginagamit namin ang tinatawag na “Pananalitang Nakatuon sa Taomay kaugnayan sa paggamit ng substansya. Nangangahulugan itong hindi namin tinutukoy ang isang tao batay sa isang paggawi o diagnosis. Halimbawa, sa halip na tawagin ang isang tao na “drug user,” sasabihin namin na “isang taong gumagamit ng droga.” Ang pananalitang nakatuon sa tao ay hindi mapanghusga at tinatrato nito nang may paggalang at empatiya ang mga taong nakakaranas ng adiksyon. Ang paggamit ng pananalitang nakatuon sa tao ay isang mahalagang hakbang tungo sa pagbabawas ng stigma sa paggamit ng substansya.

Narito ang ilang halimbawa ng mga paraan kung paano makakatulong ang pagpapalit ng ating mga salita para mabawasan ang stigma laban sa paggamit ng substansya.

Sa halip naGamitin ang
Pang-aabuso sa drogaDisorder sa paggamit ng substansya
Drug userTaong gumagamit ng droga
Adik, Junkie, Drug abuserTaong namumuhay nang may adiksyon o nakakaranas ng adiksyon; Taong may disorder sa paggamit ng substansya
Dating adikTaong nagre-recover
AlkoholikoTaong may disorder sa paggamit ng alak; Taong gumagamit ng alak sa mapanganib na mga paraan
Matino / MalinisSubstance-free; Taong nagre-recover/umiiwas
Nanatiling malinisNapanatili ang pag-recover

Nangyayari ang mga overdose kapag umiinom ng sobrang substansya ang isang tao. Ang mga overdose ay madaling nakamamatay. Kung iniisip mong na-overdose ang isang tao, tumawag kaagad sa mga serbisyong pang-emergency. Maraming bansa at estado ang may mga batas para sa “Mabuting Samaritano” na nagbibigay ng proteksyon laban sa pag-aresto, pagpaparatang, o pag-uusig para sa pagmamay-ari ng mga droga o paraphernalia kapag ang mga indibidwal na nakakaranas o nakasaksi ng overdose ay tumawag sa mga serbisyong pang-emergency.

Iba-iba ang mga sintomas ng overdose depende sa substansya, pero pwedeng kasama rito ang:

  • Sobrang pamumutla at/o nanlalamig na mukha
  • Nanlalambot na katawan o sobrang panghihina
  • Kulay lila/asul na mga kuko o labi
  • Labis na pagsusuka
  • Ang tao ay walang malay o hindi nagigising o makapagsalita
  • Napakabagal o hindi paghinga
    • Mas mabilis na paghinga (para sa mga stimulant tulad ng cocaine at meth)
  • Mabagal na tibok ng puso o walang pulso
    • Mabilis o hindi regular na tibok ng puso (para sa mga stimulant tulad ng cocaine at meth)
  • Mga tunog ng sinasakal o gurgling
  • Mababang temperatura ng katawan
    • Lagnat (para sa mga stimulant tulad ng cocaine at meth)
  • Matinding pananakit ng tiyan
  • Mga pangingisay
  • Mga pinpoint pupil

Kung hindi mahuli sa oras, pwedeng ma-reverse ang overdose sa opioid gamit ang gamot na tinatawag na naloxone (ibinebenta sa ilalim ng mga brand name na Narcan, Evzio o Kloxxado), isang nagliligtas-buhay na gamot na sumasalungat sa mga epekto ng opioid sa katawan kung sakaling magkaroon ng overdose. Sa maraming bansa, pwedeng mabili ang naloxone over the counter o sa mga parmasya nang walang reseta o makuha nang libre mula sa mga organisasyong para sa kalusugan ng publiko.

Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kung ano ang gagawin kung sa tingin mo’y nao-overdose ang isang tao, tingnan ang Talk to Frank.

Palaging mag-ingat sa impormasyong makikita mo online tungkol sa paggamit ng substansya, pati na sa TikTok. Nagbabahagi ang mga tao ng maraming opinyon tungkol sa paggamit ng substansya, at posibleng hindi batay sa mga katotohanan ang ilan sa mga ito. Palaging suriin kung totoo ba ang impormasyong nakikita mo online. Sa pahinang ito, makakahanap ka ng mga katotohanan tungkol sa mga karaniwang uri ng substansya, at mga link papunta sa mga resource kung saan ka makakahanap ng higit pang impormasyon.

Nag-aalok kami ng mga katotohanan para magkaroon ka ng maaasahang impormasyon tungkol sa iba’t ibang uri ng substansya, kasama na ang mga droga at alak. Magbabahagi kami ng ilang katotohanan tungkol sa mga karaniwang substansya na posibleng narinig mo na, kasama ang kung ano ang mga ito, kung ano ang pakiramdam kapag ginamit ito, at ang mga panganib na nauugnay sa bawat isa.Sa pahinang ito, gagamit kami ng mga pormal na pangalan para tukuyin ang bawat substansya, pero madalas din may iba’t ibang “salitang kalye” para sa mga ito.

Ano ang mga opioid? Ang mga opioid ay mga gamot na pwedeng magkaroon ng malakas na epekto para pahupain ang sakit sa isip at katawan. May iba’t ibang uri ng opioid, kasama ang:

  • Mga inireresetang opioid painkiller: Pwedeng pill o tableta, tulad ng oxycodone at hydrocodone
  • Heroin: Isang ilegal na opioid na gamot na nagmula sa morphine na pwedeng gawing sigarilyo, iturok, o singhutin. Pareho ang istruktura ng mga inireresetang opiod at heroin. Sa pamamagitan ng pag-bind sa mga receptor sa utak na nagpapagaan ng sakit, nagbibigay ng parehong pakiramdam ng euphoria ang mga inireresetang opioid at heroin.
  • Fentanyl: Pwedeng ireseta ang Fentanyl sa mga pasyenteng may matinding pananakit o mga taong may malalang pananakit na hindi na naaapektuhan ng opioid. May 2 uri ng Fentanyl:
    • 1) pharmaceutical-grade (ginawa ng mga pharmaceutical na kumpanya para makontrol ang mga dosis) at,
    • 2) “ipinagbabawal” na fentanyl, na ginawa ng mga taong nagbebenta o nagdi-deal ng mga gamot na hindi kasama sa anumang kontroladong pharmaceutical na paggamit.
    • Kung minsan, palihim na idinaragdag ang fentanyl sa pekeng pills (na mukhang mga inireresetang opioid painkiller pero ginawa ng mga taong nagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot), o inihalo sa droga gaya ng heroin, cocaine, at methamphetamine.
    • Pwedeng pumatay ng isang tao ang kahit 2 milligram lang ng fentanyl – na katumbas ng ilang butil lang ng asin. Dahil dito, ang fentanyl ang pangunahing dahilan ng pagkamatay dahil nasobrahan sa droga.
  • Codeine: Karaniwang inirereseta bilang cough syrup, pero pwede ring bilang mga tableta. Mas mahina ito kaysa sa iba pang opioid, pero nakakaapekto ito sa utak sa parehong paraan.
  • Morphine: Karaniwang ibinibigay ng mga ospital nang pinadaraan sa ugat. Pwede itong inumin bilang tableta, patch, o suppository kapag inireseta para iuwi ng isang pasyente.

Ano ang mga panganib? Pwedeng mangyari kahit kanino ang pagka-overdose sa opioid – kahit na ito ang unang pagkakataon nilang uminom, o kahit na inireseta ito ng doktor o nakuha nang ilegal. Para sa mga substansya na binili nang ilegal, may panganib na mayroon itong ipinagbabawal na fentanyl, na ang nangungunang sanhi ng pagkamatay dahil sa overdose sa Estados Unidos. Tumataas ang panganib na ma-overdose kapag iniinom ang mga opioid kasama ng iba pang gamot na nagpapabagal sa pulso at paghinga ng isang tao, tulad ng alak, mga inireresetang depressant, o iba pang opioid. Pwedeng makita sa isang taong na-overdose sa opioid ang mga sumusunod na sintomas:

  • Sobrang pamumutla at/o nanlalamig na mukha
  • Nanlalambot na katawan
  • Kulay lila/asul na mga kuko o labi
  • Pagsusuka
  • Ang tao ay walang malay o hindi nagigising o makapagsalita
  • Napakabagal o hindi paghinga
  • Mabagal na tibok ng puso o walang pulso
  • Mga pinpoint pupil

Ang Naloxone ay isang nagliligtas-buhay na gamot na sumasalungat sa mga epekto ng opioid kung sakaling ma-overdose. Sa maraming bansa, pwedeng mabili ang naloxone over the counter o sa mga parmasya nang walang reseta. Ang Naloxone ay pwedeng makuha bilang nasal spray o itinuturok na gamot. Pagkatapos magbigay ng naloxone, tumawag kaagad sa mga serbisyong pang-emergency, dahil tumatagal lang ito ng 30-90 minuto. Kung walang tugon mula sa tao sa loob ng 3 minuto pagkatapos maibigay ang naloxone—tulad ng kung hindi nagising ang tao—bigyan ang tao ng pangalawang dosis. Manatili sa tao hanggang sa dumating ang tulong.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng paggamit ng opioid ang paghupa ng sakit, pagkaantok, pagduduwal, constipation, euphoria, pagbagal ng paghinga, at pagkamatay mula sa overdose. Para sa ilang tao, pwedeng humantong sa adiksyon ang regular na paggamit ng mga opioid. Pwedeng kasama sa mga pangmatagalang epekto ang pagkahumaling, pananakit ng tiyan, sakit sa atay o bato, at mga impeksyon o pinsalang nauugnay sa paggamit ng karayom.

Ano ang alak? Ang alak ay ginawa sa pamamagitan ng pagbuburo ng lebadura, asukal, at starch. Ang alak ay ang pinakakaraniwang ginagamit na gamot sa mundo. Maraming uri ng alak, kasama ang beer, wine, o liquor (tulad ng vodka, tequila, rum, gin, at whisky, bukod sa iba pa). Ang alak ay matatagpuan din sa iba pang uri ng inumin, tulad ng matatapang na seltzer, matatapang na tsaa, o kombucha na may mataas na antas ng alkohol.

Ano ang mga panganib? Posibleng mag-overdose sa alak (tinatawag na pagkalason sa alak). Ang isang taong walang malay o hindi magising ay posibleng nakakaranas ng pagkalason sa alak at nanganganib na mamatay. Kung sa tingin mo’y nalason ng alak ang isang tao, tumawag kaagad sa mga serbisyong pang-emergency. Kasama sa mga palatandaan ng pagkalason sa alak:

  • Pagkalito
  • Labis na pagsusuka
  • Mga pangingisay
  • Mabagal o hindi regular na paghinga
  • Maasul-asul na balat o maputlang balat
  • Mababang temperatura ng katawan
  • Nahihirapang manatiling may malay
  • Nahihimatay/ nawawalan ng malay at hindi na magising

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto?Pwedeng kasama sa mga panandaliang epekto ng alak ang pagiging madaldal, relaks, o social, pero pwede ring makadama ang mga taong ito ng pagkabalisa o pagiging agresibo. Kung malakas uminom ang isang tao, posibleng magkaroon siya ng problema sa pagsasalita, problema sa koordinasyon o mahimatay, at baka magkaroon siya ng hangover sa susunod na araw, mabagal na oras ng reaksyon, hirap sa paglalakad, o kawalan ng motor skills, baluktot na mga pananaw, pagiging makapal ang mukha, baluktot na paghuhusga, pagsusuka, coma, pagkahimatay, at pamamanhid. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ng paggamit ng alak ang pagbaba ng testosterone/impotence, sakit sa atay, cancer, o mga ulcer. Pwede ring magdulot ang alak ng wrinkles, dry skin, at permanenteng pamumula sa mukha.

Ano pa ba ang dapat kong malaman? Ang paghahalo ng alak at iba pang gamot – tulad ng mga opioid, mga inireresetang depressant, cocaine, methamphetamine, at ketamine – ay talagang mapanganib. Pwede nitong pabagalin ang paghinga ng isang tao, na nagpapababa sa daloy ng oxygen at nagti-trigger sa utak na simulang i-shut down ang mga organ. Nauugnay din ang alak sa mga pinsala at aksidente, lalo na kapag nagmamaneho pagkatapos uminom. Mapanganib magmaneho kahit na nakainom lang nang kaunti. Ang pagmamaneho nang medyo nakainom ay kasingdelikado ng pagmamaneho nang lasing. Ang pagmamaneho nang may impluwensya ng alaok ang dahilan ng daan-daang libong pagkamatay bawat taon.

Ano ang tabako? Ang tabako ay isang halaman na pinatutuyo ang mga dahon at ginagamit sa paggawa ng mga produkto tulad ng mga sigarilyo. Ang kemikal sa tabako na lumilikha ng mga damdamin ng kasiyahan o energy ay tinatawag na nicotine, at nakakaadik din ito. May iba’t ibang uri ng tabako:

  • Ang mga sigarilyo ay mga dahon ng tabako na inirolyo sa manipis na papel, at ito ang pinakakaraniwang ginagamit na anyo ng tabako.
  • Ang mga tabako, maliit na tabako at sigarilyo ay gawa sa tabako at nakabalot sa brown na papel o buong dahon ng tabako. Kadalasang may mga flavor ang maliliit na tabako at sigarilyo.
  • Ang Hookah (aka shisha, mga waterpipe) ay tabakong may flavor na hinihithit gamit ang isang water pipe.
  • Ang smokeless na tabako ay isang uri ng tabako na hindi hinihithit o sinusunog. May iba’t ibang uri ng smokeless na tabako, kasama ang loose chewing tobacco, snuff, snus, at natutunaw na tabako.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ang pag-activate sa mga bahagi ng utak na sangkot sa paglikha ng mga damdamin ng kasiyahan. Dahil sa nicotine, pwede ring makaramdam ang mga tao ng sigla, pagkahilo, pagduduwal, gising na gising, o relaks. Pwede nitong mapataas ang presyon ng dugo, mapataas ang rate ng paghinga at tibok ng puso na para bang sumisigla. Pwede ring magdulot ang tabako ng paninilaw ng ngipin at mga kuko, at paghinga, buhok, at damit na amoy usok. Ang nicotine ay isang nakakaadik na kemikal, kaya pwedeng humantong sa adiksyon ang paggamit ng tabako para sa ilang tao. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ang sakit sa baga, ilang uri ng cancer, sakit sa puso at stroke, at mas mataas na panganib ng diabetes. Pinapataas din nito ang panganib ng chronic bronchitis, katarata, at pulmonya.

Ang paninigarilyo ay nagdudulot din ng secondhand smoke, ang usok na nalalanghap kapag nasa paligid ng isang taong naninigarilyo. Pwedeng makasama sa kalusugan ng mga hindi naninigarilyo at maging sa ating mga alagang hayop ang pagkakalantad sa secondhand smoke.

Ano ang mga vape/ e-cigarette? Maraming pangalan ang mga vape at e-cigarette, kasama ang mga e-cigs, vape pen, vaporizer, electronic nicotine delivery system (ENDS), at iba pa. Ang mga gumagamit ng e-cigarette ay lumalanghap ng aerosol na ginagawa sa pamamagitan ng pagpapainit ng likido (tinatawag na ‘e-juice’). May daan-daang e-cigarette na produkto at libo-libong iba’t ibang e-juice. Ang E-juice sa mga E-cigarette ay pwedeng binubuo ng iba’t ibang kemikal, kasama ang nakakaadik na kemikal na nicotine, na nanggagaling sa mga halaman ng tabako. Ang “tobacco free nicotine” ay gawa sa sintetikong paraan at nakakaadik kagaya ng nicotine mula sa mga halaman ng tabako.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng e-cigarette ang pag-activate sa mga bahagi ng utak na sangkot sa paglikha ng mga damdamin ng kasiyahan, at pwede ring makadama ang mga tao ng sigla, pagkahilo, pagduduwal, gising na gising, o relaks. Nagdudulot din ito ng pagtaas ng presyon ng dugo, rate ng paghinga at tibok ng puso, at pagkakalantad sa mga kemikal na nagagawa sa pamamagitan ng pagpapainit ng mga coil sa device. Ang nicotine ay isang nakakaadik na kemikal, kaya pwedeng humantong sa adiksyon para sa ilang tao ang paggamit ng mga e-cigarette na naglalaman ng nicotine. Hindi pa rin alam ang mga pangmatagalang epekto ng paggamit ng mga e-cigarette o pagkakalantad sa mga ito. Gayunpaman, may mga negatibong epekto ang nicotine sa pag-develop ng utak. Ipinapahiwatig din ng bagong data na nauugnay din ito sa malalang sakit sa baga at hika.

Ano ang marijuana? Nagmumula ang marijuana sa mga tuyong bahagi ng mga halaman ng Cannabis. Maraming iba’t ibang salitang kalye para sa marijuana. Ang marijuana ay karaniwang hinihithit bilang joint o blunt, sa isang mangkok o bong, o ginagamit bilang mga ‘edible’ o ‘naiinom.’ Legal ang marijuana sa ilang bansa (at maraming estado sa U.S. ) sa buong mundo bilang libangan (ibig sabihin, makukuha ito ng sinumang lampas na sa legal na edad), o medikal (ibig sabihin, makukuha ito ng sinumang lampas na sa legal na edad, na may reseta ng doktor). Sa ilang partikular na bansa, ang mga gamot na naglalaman ng mga cannabinoid (ang mga substansyang makikita sa halaman ng cannabis) ay posibleng inirereseta sa mga taong may mga bihirang uri ng epilepsy, mga taong sumasailalim sa chemotherapy para sa cancer, mga taong nawawalan ng gana na nauugnay sa HIV/AIDS, at mga taong nakakaranas ng matinding sakit.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto?Kasama sa mga panandaliang epekto ng paggamit ng marijuana ang mga nabagong pandama, pagiging relaks, pagkaantok, pagbabago ng mood, paghupa ng sakit, pagiging magana, at hirap sa pag-iisip o paglutas ng mga problema. Hindi pa rin alam at pinag-aaralan pa ang mga pangmatagalang epekto ng paggamit ng marijuana.

Ano ang mga sintetikong cannabinoid? Ang mga sintetikong cannabinoid ay mga kemikal na gawa ng tao na dinisenyo para kumilos gaya ng THC, ang pangunahing psychoactive na sangkap sa marijuana. Tinatawag ding sintetikong marijuana ang mga sintetikong cannabinoid. Ang mga sintetikong cannabinoid ay isang pinatuyong materyal na mukhang potpourri, at hinihithit o kinakain bilang edible.

Ano ang mga panganib? Hindi gaya ng marijuana, posibleng ma-overdose sa mga sintetikong cannabinoid. Kung minsan, lihim na inihahalo ang mga sintetikong cannabinoid sa iba pang gamot, na nagdaragdag sa panganib ng pagka-overdose.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng mga sintetikong cannabinoid ang pakiramdam na relaks, makakalimutin, pagod, o gutom. Puwede ring makanas ang mga tao ng mga halluncination, paranoia, o panic attack, mabilis na tibok ng puso, pagsusuka, pagkabahala, pagkalito, pagkabalisa, at mataas na presyon ng dugo. Hindi alam ang pangmatagalang epekto ng mga sintetikong cannabinoid sa pisikal na kalusugan.

Ano ang mga inireresetang depressant? Ang mga inireresetang depressant ay pills na nagpapabagal sa aktibidad ng utak at nagdudulot ng pagkaantok. Tinatawag ding benzos, benzodiazepines, sedatives, o tranquilizers ang mga inireresetang depressant. Pwedeng uminom ang mga tao ng mga inireresetang depressant para makatulong sa pagkabalisa o mga problema sa pagtulog.

Ano ang mararamdaman dito? Ang mga inireresetang depressant ay pwedeng maging dahilan para makadama ang mga tao ng antok, pagkarelaks, pagiging kalmado, pagiging magaslaw, kalituhan, o pagkataranta. Kasama sa mga withdrawal symptom ang pagkabahala, pagkabalisa, insomnia, sobrang aktibong reflexes, panginginig, pagtaas ng tibok ng puso at presyon ng dugo, mga hallucination, craving, at kahit pangingisay.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa mga inireresetang depressant. Tumataas ang panganib ng pagka-overdose kung iniinom ang mga inireresetang depressant kasabay ng mga opioid o alak, dahil lahat ng opioid, alak at inireresetang depressant ay nagpapabagal sa paghinga. Magagamit ang gamot na tinatawag na Flumazenil para gamutin ang overdose mula sa mga inireresetang depressant. Mga ambulansya at emergency responder lang ang may access sa gamot na ito.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng mga iniresetang depressant ang problema sa pagsasalita, mahinang konsentrasyon, tuyong bibig, mabagal na paghinga, at mga problema sa memorya. Hindi alam ang mga pangmatagalang epekto ng pag-inom ng mga inireresetang depressant.

Ano ang cocaine? Ang cocaine ay isang gamot na ginawa mula sa pagpoproseso ng mga dahon ng halaman ng coca, na native sa South America. Ang cocaine ay puting pulbos o batong kristal na sinisinghot, hinihithit, o itinuturok. Halos magkaparehong kemikal ang cocaine at crack cocaine. Ang pangunahing pagkakaiba ay ang paraan ng pag-inom sa droga: sinisinghot, tinuturok o nilulunok ang powder cocaine, habang hinihithit naman ang crack cocaine.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa cocaine. Tumataas ang panganib na ma-overdose kung hinaluan ang cocaine ng iba pang gamot o alak. Kung minsan, palihim na tinutunaw o inihahalo sa ibang gamot ang cocaine, na nagpapataas sa panganib na ma-overdose.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng paggamit ng cocaine ang pagkadama ng pagkaalerto, pagkabalisa, pananabik, pagiging masaya, panic, paranoid, at pagkabahala, mas mataas na temperatura ng katawan, at mas mataas na tibok ng puso. Pwede ring magpakita ang mga taong gumagamit ng cocaine ng pagiging marahas o pabago-bagong paggawi, psychosis, atake sa puso, stroke, pangingisay, o coma. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ng paggamit ng cocaine ang mga pagbabago sa utak, pagkawala ng pang-amoy, mga impeksiyon, pagbaba ng timbang, pinsala sa puso, at pinsala sa baga.

Ano ang methamphetamine? Ang methamphetamine (meth) ay isang uri ng stimulant na nanggagaling sa puting pulbos o anyong pill, habang mukhang mga piraso naman ng salamin o makintab na bato ang “crystal meth.”

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa meth. Sa mga nakalipas na taon, dumarami ang mga nao-overdose na may kaugnayan sa meth. Tumataas ang panganib na ma-overdose kung hinaluan ang meth ng iba pang gamot o alak. Kung minsan, palihim na tinutunaw o hinahalo sa iba pang gamot ang meth, na nagpapataas sa panganib na ma-overdose.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng meth ang pagiging alerto, kawalan ng kahihiyan, sobrangakasiyahan, hindi pagkatulog, pagkawala ng gana, pagtaas ng tibok ng puso, pagtaas ng presyon ng dugo, pagkahilo, at pagduduwal. Para sa ilang tao, pwedeng humantong sa adiksyon ang meth, lalo na kung itinurok o hinithit ito. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ng meth ang marahas na pag-uugali, pagkabalisa, delusyon, hallucination, insomnia, sobrang pagbaba ng timbang, malubhang problema sa ngipin, pagkalito, at matinding pangangati.

Ano ang mga inireresetang stimulant? Ang mga inireresetang stimulant ay mga gamot na ginagamit para gamutin ang attention-deficit hyperactivity disorder (ADHD), narcolepsy (bigla at hindi makontrol na pagtulog), at hika.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa mga inireresetang stimulant. Tumataas ang mga panganib kapag ininom ito kasama ng alak.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng mga inireresetang stimulant ang mas mataas na presyon ng dugo at tibok ng puso, pagkitid ng mga daluyan ng dugo, pagtaas ng blood sugar, at pagbubukas sa mga daanan ng paghinga (na tumutulong sa mga taong may hika). Pwede ring makaramdam ang mga tao ng pagiging gising, excited, alerto, masigla, nababahala, o agresibo. Sa mataas na dosis, pwedeng humantong ang mga inireresetang stimulant sa mapanganib na mataas na temperatura ng katawan at hindi regular na tibok ng puso, mga atake sa puso, at mga pangingisay. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ang paranoia, psychosis, galit, at mga problema sa puso.

Ano ang MDMA? Ang MDMA ay tinatawag ding molly o ecstasy.Makukuha ito bilang pulbos o pills na pwedeng gawin sa iba’t ibang hugis at kulay.

Ano ang mga panganib? Bihira para sa isang tao na mamatay mula sa pagka-overdose sa purong MDMA. Pero tumataas ang panganib na ma-overdose kapag hinaluan ang MDMA ng iba pang gamot.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng MDMA ang hindi pagkadama ng kahihiyan, mas mahusay na sensory perception, pagtaas ng tibok ng puso at presyon ng dugo, pagduduwal, pagkahimatay, pagpapawis o panginginig, at matinding pagtaas ng temperatura ng katawan. Hindi alam ang mga pangmatagalang epekto pero posible itong makaapekto sa pagkatuto at memorya.

Ano ang mga psychedelic? Ang mga psychedelic ay madalas na tinatawag na mga hallucinogen. Maraming uri ng psychedelic. Kasama sa mga ito ang mga gamot na gawa ng tao tulad ng LSD at PCP, psilocybin na matatagpuan sa ilang uri ng mushroom, o DMT (aka ayahuasca) at peyote (aka mescaline) na matatagpuan sa ilang partikular na halaman o ginawa sa isang laboratoryo. Sa ilang bahagi ng mundo, ginagamit ang mga psychedelic bilang bahagi ng therapy, kadalasan nang para sa mga kondisyon ng mental health tulad ng PTSD. Sa ilang Indigenous at Katutubong kultura sa buong mundo, ginagamit ang mga psychedelic tulad ng ayahuasca at mescaline bilang bahagi ng mga ritwal sa relihiyon.

Ano ang mga panganib? Malabong ma-overdose ang isang tao mula sa mga purong psychedelic, pero tumataas ang panganib na ma-overdose kapag inihalo ito sa iba pang gamot.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ang mga emosyonal na pagbabago, magdulot din ng mga sensation o pangitain sa isang tao, at pagkadama ng euphoria, enerhiya, o pagkabalisa, mabaluktok ang kakayahan ng isang tao na mag-isip nang lohikal, makipag-usap sa iba o matukoy ang realidad, pagtaas ng presyon ng dugo at tibok ng puso, pagkahilo, at pagkawala ng gana. Bihira ang mga pangmatagalang epekto mula sa mga psychedelic, pero pwedeng kasama ang paranoia, mga pagbabago ng mood, o nakakatakot na mga visual hallucination.

Ano ang ketamine? Ang Ketamine ay isang gamot na gawa ng tao na ginagamit ng mga medical provider at beterinaryo bilang pampamanhid o para sa pananakit.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose kapag gumagamit ng ketamine. Tumataas ang panganib na ma-overdose kapag ginamit ito kasama ng iba pang gamot o alak.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng ketamine ang mga problema sa atensyon, pagkatuto at memorya, pwede ring makaramdam ang isang tao ng kasiyahan, pagiging hiwalay, pagkabalisa, o pagkalito, pwede rin itong magdulot ng hallucination, pamamanhid o pagkawala ng malay/hindi pagtugon, pagkalito, mataas na presyon ng dugo, at mabagal na paghinga na mapanganib. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ng ketamine ang depresyon, mga isyu sa memorya, mga ulcer, pananakit ng tiyan o pantog, at mga problema sa bato.

Ano ang mga inhalant? Ang mga inhalant ay mga uri ng mga substansya na pinapasok ng mga tao sa kanilang katawan sa pamamagitan ng paglanghap o pagbuga. Kasama sa mga inhalant ang iba’t ibang produkto, tulad ng mga spray paint, marker, pandikit, at mga likidong panlinis. Ang nitrous oxide (aka nitrous, whippets, whip-its) ay isa pang uri ng inhalant. Para sa maraming inhalant, nawawala ang matitinding epekto pagkatapos ng ilang minuto.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa mga inhalant. Dahil pwedeng magkaroon ang mga inhalant ng sobrang purong mga kemikal, posibleng mamatay mula sa isang sesyon ng paggamit ng inhalant, na tinatawag na “biglaang pagsinghot ng kamatayan.”

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng mga inhalant ang pagkalito, pagduduwal at pagkahilo, problema sa pagsasalita, euphoria, pakiramdam na lasing, kaligayahan, kawalan ng koordinasyon, antok, malapit-lapit mahimatay, hallucination o delusyon, pananakit ng ulo, heart failure, mga pangingisay, coma, o kamatayan dahil hindi makahinga. Kasama sa mga pangmatagalang epekto ng mga inhalant ang pinsala sa atay, bato, at bone marrow, pinsala sa ugat, at pinsala sa utak na pwedeng magdulot ng mga problema sa pag-iisip, paggalaw, paningin, at pandinig.

Ano ang mga over-the-counter na gamot? Pwedeng makatulong ang mga over-the-counter o OTC na gamot para mabawasan ang lagnat, pananakit, pagtatae, o allergy. Ang ilang OTC na gamot ay pwedeng magdulot ng mga psychoactive effect kung mali ang pagkakagamit sa mga ito – tulad ng mga gamot na pang-allergy na may diphenhydramine, mga gamot para sa ubo na may Dextromethorphan/DXM ( kadalasang may “DM” sa pangalan ng gamot), o mga gamot sa pagtatae na may Loperamide.

Ano ang mga panganib? Posibleng ma-overdose sa lahat ng OTC na gamot na ito. Pwedeng gamitin ang Naloxone para matulungan ang isang taong na-overdose sa gamot na pang-ubo na may DXM.

Ano ang mga panandalian at pangmatagalang epekto? Kasama sa mga panandaliang epekto ng paggamit ng mga OTC na gamot ang mga hallucination, euphoria, pagtaas ng enerhiya, pagkabalisa, problema sa pagsasalita, pagtaas ng tibok ng puso at presyon ng dugo, mga problema sa puso, mga pangingisay, pagkahilo, pagduduwal o pagsusuka. Hindi alam ang mga pangmatagalang epekto ng paggamit ng mga OTC na gamot na ito.

Pagbabahagi ng mga karanasan mo sa TikTok

Pwedeng maging mahusay na platform ang TikTok para magbigay ng inspirasyon at maturuan ang komunidad sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kuwento mo tungkol sa kung paano nakaapekto sa iyo ang paggamit ng substansya. Posibleng makatulong o makasuporta sa ibang tao ang kwento mo. Pinapagana ang TikTok ng mga miyembro ng aming komunidad. May bahagi tayong lahat sa paggawa ng isang ligtas at positibong lugar.

Pero isang mahalagang personal na desisyon kung ibabahagi mo ba ang kuwento mo. Kung mapagpasyahan mong ibahagi ang kuwento mo, pag-isipan ang content na ibabahagi mo, dahil posible itong maka-trigger o makagalit sa iba. Posible ring magtanong o magbahagi ang mga tao ng sarili nilang mga karanasan pagkatapos marinig ang kwento mo. Nakapag-develop din kami ng mas pangkalahatang gabay sa kalusugan kung gusto mong magbasa tungkol sa pagbabahagi ng anumang kwento na mayroon ka tungkol sa mental health.

Bago ibahagi ang mga karanasan mo sa paggamit ng substansya sa TikTok, tanungin muna ang sarili mo:

  • Sino ang gusto mong makakita sa kwento mo? Gusto mo bang ibahagi ito sa malalapit mong kaibigan at kapamilya lang, o sa mas malawak na audience?
  • Ano ang mga dahilan mo sa pagbabahagi? Ito ba ay para suportahan ang sarili mo, o ang iba?
  • Makakatulong ba ang pagbabahagi ng kwento mo sa sarili mo o sa iba? Makasasáma ba ito?
  • Kung ang kwento mo ay tungkol sa paggamit ng substansya ng ibang tao, ano ang mararamdaman nila kung makita nila ang post mo? Nagbigay ba sila ng pahintulot sa iyo na magbahagi ng kwento tungkol sa kanila?
  • Ano ang magiging reaksyon mo sa mga tugon? Bilang tugon sa post mo, posibleng magbahagi rin ang iba ng mga kwentong mahirap sabihin, o magbahagi ng mga opinyong mahirap pakinggan.

Pagkatapos mong itanong sa sarili mo ang mga tanong na ito at nagpasyang kang gusto mong ibahagi ang kwento mo, narito ang ilang mungkahi para sa post mo:

  • Kung tungkol sa pag-recover ang post mo, gumamit ng mga hashtag na nakatuon sa pag-recover para sumali sa mga pag-uusap sa TikTok na nangyayari na (hal. #recoverytok, #addictionawareness, #quitsmoking, #fentanylawareness).
  • Sa kwento mo, huwag magbunyag o magkalat ng mga tsismis tungkol sa mga karanasan ng ibang tao sa paggamit ng substansya, paggagamot, o pag-recover. Huwag sumangguni sa ibang tao, maliban kung binigyan ka nila ng pahintulot na magbahagi.
  • Hikayatin ang mga tao na humingi ng suporta, at pag-isipang isama ang lokal na helpline sa video at caption mo.
  • Posibleng may iba’t ibang karanasan ang mga tao, kaya iwasang ikumpara ang mga karanasan mo sa iba. Kung tumugon ang mga tao sa kwento mo, maging makonsiderasyon at magpakita ng empatiya.

Paano ako makikipag-ugnayan sa komunidad ng RecoveryTok?

Nakita naming tinatanggap ng aming komunidad ang mga hashtag na tulad ng #recoverytok, #sobertok, #addictionawareness, #sobercurious pati na rin ang #sobernative, #blackandsober, #soberlatina, #sobergay, #soberlesbian, at #transandsober na nag-aalok ng mga hub para sa pag-uusap, pag-aaral, at paghimok.

Kung naghahanap ka ng supportive na komunidad kung saan pwede mong ibahagi ang karanasan mo sa pag-recover, makipag-ugnayan sa iba pang miyembro ng komunidad na may katulad na karanasan o tahimik na manood ng ilang TikTok, pwedeng maging isang magandang pasimula ang mga hashtag na ito.

Bagama’t pinipili naming huwag gumamit ng ilang partikular na salita tulad ng “matino” (dahil posibleng masabing stigmatizing ito ng ilang tao), sinusuportahan namin ang mga tao sa TikTok na nagpapakilala sa sarili nila ayon sa gusto nila. Hinihikayat namin ang mga tao na humanap ng komunidad gamit ang mga pagkakakilanlang sila mismo ang tumukoy.

Ginigipit ka bang sumubok ng droga, alak o tabako?

Mahalaga sa ating buhay ang mga kaibigan, kaklase, katrabaho, atbp. Pero kung minsan, pwede ka nilang himukin o hikayatin na gawin ang mga bagay na hindi ka komportable pagdating sa pagsubok ng mga substansya o paggamit ng mga ito sa mapanganib na mga paraan. Pwede itong mangyari nang personal o online, at mahirap talagang pigilan ang mga ito. Narito ang ilang bagay na dapat tandaan na pwedeng makatulong:

  • Tandaang hindi ka nag-iisa. Posibleng maramdaman mong ginagawa ito ng lahat, pero hindi gumagamit ng droga ang karamihan sa mga tao.
  • Ihanda ang sarili. Alamin kung paano ka tutugon kung may mag-alok sa iyo ng droga, tabako o alak.
  • Humanap ng taong mapagkakatiwalaan mo na pwede mong mapagsabihan – marahil isa itong magulang, kapatid, o kaibigan. Pwedeng makinig sa iyo ang isang taong pinagkakatiwalaan mo at matulungan kang malaman kung paano haharapin ang iba’t ibang sitwasyon.
  • Subukang magsabi ng ‘hindi’ nang matatag at malinaw, pero huwag itong gawing malaking bagay. Kung sinubukan nilang baguhin ang isip mo, manindigan ka.
  • Bigyang-pansin ang nararamdaman mo. Kung may hindi tama sa isang sitwasyon, malamang na hindi talaga ito tama – kahit na okay rito ang mga kaibigan mo.
  • Kung nahihirapan kang maging ikaw sa sarili mo sa ilang partikular na tao, umatras. Baka oras na para maghanap ng bagong grupong makakasama.

Kung may mga tanong ka tungkol sa iba’t ibang uri ng mga gamot, tingnan ang iba pang seksyon sa pahinang ito o bisitahin ang Talk to Frank para sa higit pang impormasyon.

Mga Resource at Mga Linya ng Krisis

Gusto mo bang makipag-usap sa isang tao? Mayroong suporta para sa mga taong naghahanap ng tulong. Kung interesado ka sa mga resource para sa sarili mo o sa mahal mo sa buhay, narito ang ilang kapaki-pakinabang na tool sa paghahanap para makahanap ng mga lokal na opsyon para sa paggagamot, suporta, at pag-recover sa lugar mo:

Paano mag-report ng content ng TikTok

Dahil bahagi tayo ng mas malawak na komunidad ng TikTok, tinitiyak nating mararamdaman ng mga miyembro ng komunidad na ligtas at sinusuportahan sila. Hinihikayat ka naming ipaalam sa amin kung nababahala ka sa ibang tao sa platform, o kung may nakikita kang wala dapat sa TikTok, pwede kang magsalita.

Para mapanatiling ligtas at positibo ang aming komunidad, binibigyang kapangyarihan namin ang aming komunidad na mag-report ng content na lumalabag sa aming Mga Patnubay sa Komunidad. Ang lahat ng report ay anonymous, ibig sabihin, hindi ipapaalam sa orihinal na nag-upload ang pagkakakilanlan mo kung magpasya kang mag-report ng content!

Paano mag-report ng video nang hindi nagpapakilala:

Kung makakita ka ng video sa TikTok na pinaniniwalaan mong lumalabag sa aming Mga Patnubay sa Komunidad, paki-report ito sa amin.

Para mag-report ng video sa TikTok app mo:

  1. Pumunta sa video na kailangan mong i-report.
  2. Pindutin nang matagal ang video.
  3. Piliin ang I-report,i-tap ang ‘Mga ilegal na aktibidad at kontroladong mga produkto‘ at pagkatapos ay isumite ang report sa ilalim ng ‘Mga droga at kontroladong substansya‘.
  4. Pwede mo ring gamitin ang aming online na form para i-report ang content sa TikTok

Ano ang mangyayari pagkatapos mong mag-report ng content:

  • Gumagamit kami ng pinagsamang pagmo-moderate ng tao at machine learning para i-review ang aming content para sa mga paglabag sa Mga Patnubay sa Komunidad, at gumawa ng naaangkop na pagkilos.
  • Ia-update ka namin sa status at pag-usad ng report mo sa Inbox mo.

Para sa mga magulang at tagapag-alaga: Paano makikipag-usap sa isang bata tungkol sa paggamit ng substansya

Pwedeng magkaroon ang mga magulang at tagapag-alaga ng mahalagang impluwensya sa buhay ng isang bata, at may malaki silang papel sa mga karanasan ng bata sa paggamit ng substansya. Pero pwedeng mahirap ang pakikipag-usap sa bata tungkol sa mga iyon. Narito ang ilang tip para sa pakikipag-usap sa bata tungkol sa paggamit ng substansya.

  • Kung minsan, nagsisimulang mag-eksperimento sa mga substansya ang mga batay kapag inalok sila ng isang kaibigan. Kung may mga kaibigan sila, kumustahin sila at ipakilala ang sarili mo.
  • Hikayatin silang makisali sa mga aktibidad na mae-enjoy at kaiinteresan nila, at makipag-ugnayan sa mga guro, coach, o instructor para tanungin kung kumusta sila.
  • Mag-alok ng suporta at panghimok sa anak mo.
  • Iwasang manermon. Hingin ang kanilang tapat na opinyon, at panatilihing bukas ang isipan. Ipakitang naiintindihan mo kung gaano kahirap ito sa edad nila at na nariyan ka para suportahan sila.
  • Pag-isipan kung paano ka sasagot kung tatanungin ka tungkol sa sarili mong mga karanasan sa paggamit ng substansya. Kung gumamit ka ng mga substansya noon, makakatulong kung ibabahagi ang mga aral na natutunan mo mula sa mga karanasang iyon.
  • Maraming mga mapagkukunan para matulungan kang pag-usapan ang tungkol sa paggamit ng substansya. Ang Partnership to End Addiction ay may mga puntong mapag-uusapan na iniakma sa iba’t ibang grupo ng edad, at mga puntong mapag-uusapan para makipag-ugnayan sa isang teenager.
  • Magtatag ng mga patakaran at kahihinatnan – pero mag-alok din sa kanila ng solusyon. Halimbawa, pwede mong ipaliwanag na hindi kailanman okay na sumakay sa kotse kasama ang isang taong nakainom ng alak. Pero kung sakaling nasa sitwasyon sila kung saan kailangan nila ng masasakyan pauwi, pwede ka nilang tawagan at makisakay, wala kang hihinging higit pang impormasyon.
  • Alamin ang mga aktibidad at kinaroroonan ng anak mo.
  • Kung mayroon kang mga inireresetang gamot o mga over the counter na gamot sa bahay, i-track ang mga ito.

Disclaimer

Ang mga resource at gabay ng safety center ng TikTok ay hindi nagbibigay ng mga serbisyo para sa mental health o serbisyong pangmedikal. Ang “Mga Resource para sa Suporta sa Substansya” sa TikTok ay hindi kapalit ng medikal, sikolohikal, o psychiatric na diagnosis, paggagamot, o payo. Ang content na ibinibigay at ipinamamahagi ng TikTok ay para lang magbigay ng impormasyon at para lang sa pang-edukasyong paggamit. Huwag balewalain o ipagpaliban ang paghingi ng propesyonal na payo dahil may available namang mga serbisyo o materyal na pang-edukasyon na inaalok ang TikTok.

Kung nasa krisis ka o kung posibleng nasa panganib o nakakaranas ka o sinupamang tao ng medikal na emergency, tawagan kaagad ang iyong mga lokal na resource na pang-emergency. Dapat tandaan ng mga user na hindi lang ikaw ang may pananagutan sa kaligtasan ng sinumang tao; available ang iba na tumulong. Hindi mo kailangang makisali sa mga pag-uusap na ito kung sa tingin mo ay hindi ka handang gawin ito.

Binuo ang safety center na ito sa pamamagitan ng pagkonsulta sa eksperto mula sa The Public Good Projects. Maraming salamat sa Song for Charlie, We Are With You, Talk to Frank, Truth Initiative sa pagtulong sa paghubog sa resource na ito.